Ang pinakamaiksing isang buwan
Kung pwede lang pigilan ang oras.
Umalis ako sa dating trabaho ko kahit wala pa akong natanggap na offer mula sa company na inaapplyan ko. Alam ko, para sa mga nagtatrabaho na rin at may pamilya pang binubuhay, isa itong malaking sugal. But I wanted to spend time with my family, and this career transition was the perfect opportunity to do that. Wala rin namang kaso sa akin na sumugal. Sabi nga nila, the higher the risk, the greater the reward.
Anyway, gusto ko lang ik’wento na ang isang buwan na bakasyon ako ay nais kong ilaan para sa mga anak ko.
Ibig ko rin kasi maranasan at gawin yung ginagawa ng ibang mga tatay (at nanay na rin) para sa mga anak nila. Yun bang pagiging involved sa araw-araw na routine ng mga anak nila. Ang nasa isip ko talaga ay turuan si Rafa magbasa, mas hasain pa ang sulat-kamay n’ya, ihatid at sunduin s’ya sa eskwelahan, at makipaglaro sa kanila ng kuya n’ya pagdating ng hapon.
Sa totoo lang, ibayong saya ang naramdaman nang mabigyan ako ng pagkakataon para maging mas involved ako sa daily routine ng mga anak ko, kahit sa kaunting panahon lang.
At aaminin ko, may inggit akong nadarama sa ibang mga tatay na mas may kakayahang maghatid at sumundo sa mga anak nila sa eskwelahan. Sa iba siguro ay maliit na bagay lamang ito, pero sa akin kasi ay hindi. Napakasarap kaya sa pakiramdam na nakikita ko sa bawat araw ang mga anak ko at nasusubaybayan ang kanilang paglaki.
Pero gano’n talaga, kailangan kong magtrabaho. Tanggap ko rin na ang isang buwang bakasyon ay mabilis na lilipas. Kailangan kong muling harapin ang katotohanan at muling sumabak sa laban ng buhay para mabigyan ko ng magandang kinabukasan ang mga anak ko.
Hindi rin naman unlimited ang last pay na natanggap ko. Sa totoo lang, sa taas ng gastusin ngayon, mabilis ding naubos ito. Tamang-tama lang hanggang sa maitawid ako nito sa panibago kong trabaho.
Masaya ako. Malaki ang pasasalamat ko sa Diyos dahil nabigyan ako ng pagkakataon na gawin ang mga napakaordinaryo pero makabuluhang mga bagay para sa pamilya ko.
Bilang isang ama, proud akong sabihin na nagawa ko naman ang mga bagay na pinlano kong gawin sa loob ng isang buwan. Nakagawa ako ng daily routine with Rafa, kasama rito ang study time sa umaga, preparation for school before lunch, hatid sa school, and then sundo ulit pagkatapos ng school.
May playtime din pala sila ng mga friends n’ya dahil nagtataya-tayaan sila after class. Mami-miss ko yung iaabot sa akin ni Rafa ang bag n’ya at biglang tatakbo, habang ang bestfriend n’ya na si Covi sasabihin sakin, ”Kuya, pakilagay mo po dyan yung bag ko” sabay tatakbo na rin.
Ako naman, tuwang-tuwang panoorin sila habang naghahabulan at nagtatawanan. Iba talaga ang mga bata, parang may magic sa mga tawa at saya nila. Kaya naman napapaisip tuloy ako: bakit kaya may ibang mga tao na naaatim na makitang nasasaktan at malungkot ang mga anak nila? Nakakabigat ng loob isipin.
Nakakatuwa rin ang mini bonding namin ni Rafa after ng playtime nila. Pupunta kami sa malapit na grocery store para bumili ng meryenda. Simple lang naman ang mga gusto n’ya; favorite cookies n’ya, chips paminsan-minsan, at mga drinks na gusto n’ya subukan (kaya nga nalaman ko na mas masarap pala talaga ang Chocolait kesa Chuckie haha).
Marahil ay magtataka ang mga kahera ng tindahan kung bakit bigla na lang isang araw ay hindi na bumibili ng meryenda ang mag-ama sa kanila.
Tapos sasakay kami ng pedicab. Si Rafa naman, sige lang ang daldal at k’wento tungkol sa kung ano ang nangyari sa araw n’ya sa school.
Natutuwa ako sa conversation naming ito dahil ang dami ko ring natututunan sa kanya; mga classmates n’yang nakakatuwaan n’ya at mga classmates n’ya rin na medyo hindi n’ya gusto.
Best of all, ramdam na ramdam ko ang saya at pagtitiwala n’ya sa maiksing b’yahe namin pauwi sa bahay namin. Ito ‘yung age when kids are so innocent, which I will surely miss someday.
At habang palapit ang pagbabalik-trabaho ko, nasabi ko na lang, “Ang iksi naman ng isang buwan na ito.” Gusto ko pa sanang makasama sa araw-araw ang mga anak ko, ituloy ang mga palagiang ginagawa namin, minsang kagalitan, pero madalas na lambingan, at tawanan.
Pangkaraniwang gawain man ito sa iba, pero lubos na pumupuno sa puso ng isang tatay na katulad ko.
May choice naman, pero hindi ideal. Sa hirap ng buhay sa bansa na ito, na ang binubuhay natin ay hindi lang ang pamilya natin, kailangan talagang kumayod. Lumalaban naman tayo, pero sa paraang kaya natin. Sama-sama, kahit maliit na boses, lumalakas.
Sana hindi lang isang buwan ang kaya nating ilaan para sa ating mga mahal sa buhay, yung wala tayong iniintindi na utang, gutom, o iba pang bayarin. Siguro mas marami tayong option kung mas maganda ang buhay dito sa Pinas, kung mas maraming magagandang suportang ibinibigay sa atin ang gobyerno natin.
Parang wishful thinking lang ito sa ngayon sa tinatakbo ng mga pangyayari sa ating bansa.
Sa huli, dasal ko lang ang magandang kinabukasan para sa aking pamilya.
***
I’m listening to this playlist from “Ang Bandang Shirley” as i write this:
Similar stories:
I’m selling a Filipino e-storybook entitled “Ang Batang Nakipagkaibigan sa mga Alitaptap.” I believe this is a good book to add to your reading exercises or nightly bedtime stories.






