Hindi lahat ng nakakatakot na mga pangyayari ay may involved na mga multo o supernatural. Kadalasan, nangyayari ito sa mga ordinaryong araw at pagkakataon. Naaalala ko ang pangyayaring ito nung bata pa ako. Grade 1 at nag-aaral sa isang public school.
Minsan, isang umaga, pagpasok namin sa classroom namin, biglang nag-announce ang teacher naming si Mrs. Santos.
“O, pinatay daw kagabi yung tatay ni Anita. Pupunta tayo ngayon,” ani Mrs. Santos. Hindi ito ang mga eksaktong salita niya, pero tandang-tanda ko na ganyan ka-deretso ang pagkakasabi niya. Walang piniling salita sa harap ng mga anim at pitong taong gulang na mga bata. Hindi ko rin masisisi ang mga tao kung bakit meron na silang stereotypical label sa mga public schools dahil sa mga karanasan na kagaya nito.
Kami naman, dahil mga bata, pakiramdam namin ay may field trip. Dali-dali kaming nagsi-pila sa labas ng classroom para maglakad papunta sa bahay nila Anita. Malapit lang naman sa school ang bahay nila, kaya pwedeng lakarin.
Pagdating namin sa bahay nila ay hindi pa nakahanda ang mga labi ng ama ni Anita. Nakahiga laman ito sa katre, puno ng natuyong dugo, at may tali sa ulo, buhat sa panga upang hindi bumukas ang bibig nito. Lahat kami lumapit, halos hawakan ang katawang nakahiga. Halos ilapit ang aming mga mukha sa mukha nito upang suriin ang detalye ng pinsala.
May kabaong nang nakahanda at isang nakasinding kandila. Parang ordinaryo lang ang lahat, parang ordinaryong kaganapan para sa isang pamilya.
Hindi naman kami natakot, siguro dahil sa curiosity. Natatandaan ko rin na nagkwento ang nanay ni Anita tungkol sa nangyari. Lasing ang asawa niya, kinumpronta ang isang batang nakasakay sa kalabaw, natakot ang kalabaw at aktong nagwala kaya nahulog ang bata. Ang bata, nagsumbong sa ama niya na agad nagalit. Kumuha ng gulok, binalikan ang lasing na lalaki, at pinagtataga. Patay agad ang tatay ni Anita.
Habang nagkukwento ang nanay ni Anita, may dumating na isang babaeng nakaputi. Nurse daw ito, pero pinalabas daw kami at gagamutin lang daw ang tatay ni Anita. Matapang ang amoy ng gamot na gagamitin kaya hindi pwedeng may mga bata sa loob ng bahay. Akala ko talaga ay kaya pa niyang gamutin at buhayin ang tatay ni Anita. Pero wala daw itong makapang ugat buhat sa sugat sa leeg ng tatay ni Anita.
Makalipas ang ilang taon at naging mga adults na kami, tinanong ko minsan ang kaibigan ko na kaklase ko rin nung Grade 1 ako.
“Natatandaan mo ba nung nagpunta tayo sa tatay ni Anina na pinatay? Nung pinapunta tayo ni Mrs. Santos?” ang tanong ko.
“Oo, grabe yun. May taga sa mukha yung tatay ni Anita. Biyak ang bibig,” ang sagot niya.
“Naku, natandaan mo pa ’yon. Ako nga, hindi ko na matandaan. Pero ang alam ko nga, duguan ito,” ang sabi ko naman.
Kung minsan, pag nakakaalala ako ang mga pagkakataong ganito, hindi ko maiwasang maisip na maraming bata rin pala ang nakakaranas ng abuso sa mga hindi inaasahang paraan.
Kagaya nitong kwentong ito, hindi ko masabi kung may kaklase ba ako na maaring nagka-trauma ng dahil sa ginawa ng teacher namin at posibleng lumaki na may kinikimkim na takot. Ako nga, may ilang detalyeng hindi ko na matandaan na maaaring pinilit na lang na ibaon ng aking subconscious.
This story is part of my Halloween & horror stories series:
ADVERTISEMENT







